IYAKIN AKO. Malungkot, masaya, hurt, galit, takot, thankful, touched. Kahit ano pa yatang emosyon, basta’t overwhelmed ako, naiiyak ako. Minsan walang tumutulong luha dahil kinakaya kong pigilan, pero madalas ‘matic ‘yan, mainit na ang pakiramdam ko sa mga mata ko kaya ayun, iniiiyak ko na lang din. Minsan nang walang nakakakita. Naisip ko, kung artista siguro ako, napakadali for me ang mga makabagbag-damdaming eksena. Hindi mahihirapan ang direktor na utusan akong umiyak. Pero ‘yung tahimik na iyak ah! ‘Yun kasi ang forte ko.
Kidding aside, all my life I have considered this a “weakness” of mine. “Bakit ba umiiyak ka na naman, para ‘yan lang,” ganyan ang dialogue ko sa utak ko. Pero isang gabi habang pinupunasan ko ‘yung ref namin (ang random, no?) biglang pumasok sa isip ko – iyakin ka because you’re a good person. Whoa. Ang narcissistic lang.
Pero bigla kong na-realize,
sa mga pagkakataong gusto kong may sabihin sanang hindi maganda dahil sa
nasaktan ako o nagalit, eh umiiyak ako. Iniiyak ko na lang siya. Iiyak ako then
inwardly hide, parang kuting na natakot at sisiksik na lang sa gilid. Kaya
nasasabihan akong nagfi-freeze when faced with a big situation. Knowing this
now, it’s not just my way of protecting myself but my way of protecting others
din pala. Protecting them from something bad that I might say or do. Lagi kong
sinasabing ayokong nakikipag-away, ayoko ng confrontation. Now I know it’s not
because I cannot fight, but because I don’t want to hurt other people. Even
with my words. So, I turn to what I do best to protect them, I cry. But this is
not to say na never akong nakapagsalita ng masama sa ibang tao. I vividly
remember those times when I did. And during those times, actually I did not
cry. I’m sure that’s why I was able to be bad.
Ang kwento ni Mama (na later on ay ni-confirm ni Papa), ipinanganak pala ako nang kulang sa buwan. Eight months lang ako nang ipinanganak. Preemie yata ang tawag don. Kwento ni Mama, nang inilabas niya raw ako ay hirap na hirap siya. Siguro habang nasa loob ng tiyan niya, na-excite na ko at ginusto nang lumabas pero biglang nagbago ng isip kasi natakot sa outside world. Nang sa wakas ay lumabas ako, wala siyang narinig na iyak. Hindi raw ako umiyak. At kulay talong din. Nakita niya ‘yung midwife na pinapalo ako sa puwet pero wala, hindi talaga raw ako umiiyak. Nang magdasal si Mama kay Mama Mary na “ibigay daw ako sa kanya,” maya-maya ay umiyak na ‘ko.
Naaalala ko nga, noong mga bata pa kami ng mga kapatid ko, madalas kaming
nagsisimba sa simbahan sa bayan tuwing linggo (shocks, naiiyak ako kasi
naaalala ko ‘yung mga panahong gising na si Mama nang alas singko nang umaga at
namamalantsa ng mga isusuot namin at ginigising kami isa isa at tinatawag sa
pangalan namin). At pagkatapos nga ng misa ay dadalhin ako ni Mama sa harapan
para raw mag “bless” sa Ina ng Laging Saklolo, kay “nanay”. Lagi namin ‘tong
ginagawa, may kasama pang pagpahid niya ng panyo kay “nanay” saka ipapahid sa
akin. Hindi ko exactly alam ang dahilan kung bakit mandatory ‘to. Pero ako,
bilang bata, lagi lang sumusunod kay Mama. Hanggang sa dumating ang panahong
hindi na kasi malaki na ‘ko, hindi niya na rin kami kayang pilitin na magsimba.
Ayan, naiiyak na naman ako.
Ako, ang taong hindi agad umiyak nang
ipinanganak, buong buhay na magiging iyakin. Dahil habambuhay na pipiliting
maging mabuting tao, na alam kong siyang tunay na pangarap ni Mama para sa
akin. Malamang ang siyang dasal din niya noon habang paulit-ulit na ipinupunas
‘yung panyo kay Mama Mary at pagkatapos ay sa akin.
Image from here.




