Copyright © my Wide White Wall
Design by Dzignine
Sunday, September 08, 2013

ISANG HOPELESSLY LATE NA REVIEW NG ISANG HINDI ROMANTIC

Walang gaanong tao noon sa National Book Store. Kahit na nga mag-cartwheel ka nang apat na beses ay okay lang dahil walang gaanong tao na ma-we-weirduhan sa’yo, masisita ka nga lang ng guard sa loob. Pero nang makulimlim na hapong iyon ay hindi naman kami nandoon ng kapatid ko para mag-cartwheel, kundi bumili ng kailangan niyang gamit at kung may matitisod ay bumili na rin ng librong worthy pero mababa sa P200 ang presyo. 

Hindi naman ako nabigo. Habang abala ang kapatid ko sa paghahanap ng ID holders na kailangan niya, isang librong kulay pulang-pula ang cover ang umagaw naman ng atensyon ko. Ang bungad nito: Para Sa Hopeless Romantic ni Marcelo Santos III. Binasa ko ang deskripsyon sa likod, kasunod ang pagpapakilala sa awtor. At kahit na nga hindi para sa akin ang librong ‘yon dahil hindi naman ako romantic, ehem, napilitan pa rin akong siya’y bilhin. Bakit, ang tanong mo? Mamaya ko na lang sasabihin.


Umiikot sa kwentong pag-ibig ng limang indibidwal ang nobelang Para Sa Hopeless Romantic: kay Ryan, na naghahangad na magustuhan din siya ng secret love niyang si Maria na gusto rin naman pala siya; kay Becca, na natatakot nang magmahal ulit pagkatapos siyang iwan ng boyfriend niyang si Nikko na hindi rin naman pala siya kayang kalimutan; at kay Jackie, na hopeful naman sa isang magandang love story.

Horizontal ang treatment sa pagkakabuo ng istorya, karamihan ay flashbacks at pinagtatagpi-tagpi ang mga ito gamit ang point of view ng kasunod na character. 

Unique ang pagpapaloob ng awtor sa kwento ng dalawa sa mga tauhan (na bumubuo sa masasabing “totoong kwento” sa libro) sa kwento naman ng iba pang dalawang tauhan (na maituturing na “hindi totoong kwento”), at bihira ito sa ganitong uri ng babasahin. Gayunpaman, dahil dito ay nagmukhang pampuno na lang at huli na nang maisip ang panglimang bahagi kahit na ito’y kasama sa “totoong” kwento. Sa palagay ko, gusto marahil ng may-akda na mag-iwan ng isang kwentong magaan at nakakatuwa sa mambabasa bilang pagtapos sa kanyang akda.

Kung tutuusin, hindi na rin bago sa panlasa ko bilang mambabasa ang Para Sa Hopeless Romantic. Ang totoo, pamilyar na sa akin ang ganitong istilo (tawagin nating “hopeless romantic style”) sa pagsusulat tungkol sa kinababaliwan ng karamihan -- lalo na ng mga kabataan -- ang love. Gayunpaman, tunay na nakakabilib ang may-akda dahil nagawa niyang makabuo ng isang maayos na kwento at maisalibro ito. Kaya naman ang passion sa pagsusulat ng awtor ang para sa aki’y binabakas ng bawat pahina ng nobela.

Mas mainam sana kung walang “padding” na idinagdag ang awtor (kapansin-pansin ‘to sa unang bahagi) upang mapahaba ang obra niya at umabot sa kinakailangang bilang ng pahina. Ito yung tipong “backstories” na sa tingin ko’y wala naman talagang kinalaman sa istorya. Pero maaari rin namang ito’y paraan ng characterization ng sumulat. Kung ganito nga’y sana’y nagawa niya itong malinis at pulido.

Tulad na lang ng ginawa rin sana bago na-i-print ang libro. Palagay ko, hindi naging busisi pagdating sa proofreading. Sa maraming pagkakataon ay mali ang paggamit ng “ng” at “nang.” Ang salitang “tingnan” ay hindi rin gaanong tiningnan muna kaya ito’y naging “tignan” na lang sa lahat ng pagkakataon na ito’y ginamit sa nobela. Kapansin-pansin din ang pagkakamali sa mga petsang nailagay pagdating sa isang flashback.

Ang mga ito’y ilan lamang sa typo errors na hindi napalampas ng aking mga mata, na siya ring parehong mga mata na naakit ng isang librong pulang-pula ang cover kaya siya’y aking binili. Hindi naman ako nagsisisi. Dahil alam kong kapwa ko PUPIAN ang aking tinangkilik.

Para kay Marcelo Santos III, ang aking malugod na pagbati. photo 1-curtsey.gif

0 comments:

CHECK OUT MY OTHER BLOG